Thursday, June 18, 2009

Unang Araw

April 1, 2009. Matapos i-anunsyo ng piloto ng Singapore Airlines(Dubai-Singapore-Manila) na nakalapag na kami sa Pinas ay malaking pasasalamat ang aking nararamdamam. Salamat, na sa dalawang taon kong paghihintay sa Dubai ay dadating na naman ang panahon na kung saan muli kong makakapiling ang lahat ng mga pinakaimportante sa aking buhay: pamilya, kaibigan, at ang Pilipinas na walang katulad at nag-iisa. Dali-dali kong kinuha ang aking lagahe at dumiretso sa immigration. Pagkatpos masunod ang lahat ng proseso ay agad akong lumabas sa NAIA at doon nakita ko ang aking pinsan na si Charlie na lumipad pa galing Davao para ako ay sunduin at samahan sa mga gimmick sa Manila.

Si Charlie ang tumulong sa aking makakuha ng trabaho sa Dubai. Napadali ang proseso dahil may katungkulan sya sa HR Department ng hotel na pinapasukan ko ngayon. Pero pagkatapos ng halos limang buwan na aming pagsasama sa iisang hotel ay bumalik sya ng Pinas para mag-aral ng nursing.

Nag-lakad kami ng kaunti galing sa waiting area ng NAIA at pumara ng Taxi. Nang kami ay maupo, agad sinabi ng driver na 80 US$ (Php 3,800.) ang aming babayaran pagkatapos nyang malaman ang aming distinasyon, Barangay Karuhatan, Valenzuela na ang dapat pamasahe ay 400-450pesos lang.

“Masyadong malaki!” Ang tugon ni Charlie sa Driver. “Ganun talaga ang pamasahe, dahil airport taxi kami,” ang sagot naman ng Driver. Dahil nalakihan sya sa pamasahe, agad kaming bumaba kahit wala pa sa isang kilometro ang tinakbo ng aming sinasakyan. Gayunpaman, hiningian pa rin kami ng pera ng mokong na driver. Binigyan ko sya ng 200 pesos para wala ng gulo na kinainis ng pinsan kong napagod at nagutom dahil sa kakahintay sa akin.

Dahil sa inis ay agad nyang pinara ang bus na papunta sa aming destinasyon na tiempong dumadaan sa aming kinatatayuan. Di ko alam kung tama ba ang aming ginawa dahil napakabagal ng takbo at sobrang matrapik. Pero nasiyahan ang loob ko dahil nagkaroon ako ng pagkakaton na ibaling ang aking tanaw sa maingay, marumi, mausok pero masayang lansangan ng Maynila habang walang katapusang kamustahan ang pinag-usapan namin ng aking pinsan. Pagkatos ng halos 3 oras sa bus ay narating rin namin ang bahay. Bahay ng brother in law ni Charlie na ang asawa ay nag-aabroad din, sa Saudi nga lang. Nagulat ako dahil nakahanda na sa lamesa ang aming kakainin na agad kong sinunggaban dahil sa pagkasabik ko sa pagkain ng Pinas.

Busog. Niyaya ako ni Charlie na humiga muna bago kami lumabas. Pero di ko alam kung anong meron ako sa araw na iyon. Kahit dalawang araw na akong walang maayos na tulog dahil sa pag-iimpake at sa byahe, ay mataas pa rin ang adrenalin ko para lumabas. Gusto kong magsine, magdisco, magkape, sumakay ng tren, mamalengke at kung anu-ano pang pumapasok sa aking isipan. Sobrang excitement ang nararamdaman ko sa araw na iyon.

“Dre, tara na!” ang sabi ko sa pinsan ko. Matulog ka muna, ang tugon nya. Ihanda mo ang sarili mo dahil pagkatpos ng tulog mo ngayon, sisigaw ka na parang si German Moreno ng Waaalllaaannnggg TULUGAN! Nagtawanan kami pareho at agad syang tumayo para maligo. Agad din naman akong kumuha ng damit na galing sa dala kong bag…

At dito mag-uumpisa ang aking hamon na sukatin ang Maynila, ang Capital City ng Pilipinas. Buong buhay ko ay umikot sa Davao City kaya pagkakataong ko natong ibagay ang aking interest kung ano man ang meron sa lugar na ito. Ito rin ang unang hakbang sa aking mga plano na matagal ko nang pinaghandaan habang ako ay nasa Dubai pa…
Itutuloy….

No comments: