Eto si John, ang matalik kong kaibigan. Sya ang nagtulak sa akin sa mundo ng kabaklaan. Grade 3 (June, 1989) kami noong unang nagtagpo, hanggang ngayon na kahit nagkalayo, puso't isip namin ay nagkakasundo.
Sa kanya ako unang umamin na ako ay bakla, noong di ko na matago at nababahala. "John, bakla ako", ang pag-amin ko sa kanya. "Alam ko matagal na, bruha ka!" ang sagot naman nya. Mula noon, nalaman ko kung pano magsaya, ngumiti na walang halong kaplastikan at humarap sa kanino man. Nalaman man ng tao ang tunay kong pagkatao, pero feeling ko gumanda ako at ang mundo. Salamat John!
Disco, malling, kape, sine, foodtrip, sextrip, at kung ano-ano pa. Ako'y naging masaya sa feeling nya. Di ko alam na kahit kulang kami sa pera, nakakahanap kami ng paraan para magsya. Pero lilinawin ko lang, di kami magsyota. Ewwwww!
2005 ako'y nangibang bayan, Dubai aking pinuntahan upang dito maghanap ng kabuhayan. Naging malungkot man nung una, pero sa tulong nang teknolohiya, kumyonikasyon namin ay di nag-iba.
2007 muli kaming nagkita, maikli lang dahil emergency lang ang eksena. Namatay kasi ang ate na lubos kong kinalungkot pero nandyan sya kasama ng iba pa, kaya madaling nanumbalik ang aking sigla.
Kalagitnaan ng 2008 ako'y natuwa, dahil from Davao lipad sya patungong Manila. May job offer sya papuntang Saudi Arabia, excited ako dahil next level na kaming dalawa. Bagong bayani, pang-international ang beauty.
Dumating ang 2009 at di pa rin nakaalis, tinatanong ko kung bakit, ang dami daw mintis. Patuloy ako sa pagtatanong kung anong klaseng mintis, pero ang dami din naman nyang dahilan kaya malabo na daw ang kanyang paglisan.
May 2009 ang sumunod na uwi sa Pinas, at muli kaming nagkita ng matalik kong kaibigan. Excited dahil kami ay gagala, di sa probinsya na aming kinalakihan pero sa syudad ng Maynila na sobrang yaman, sa kabaklaan at iba pang kamundohan.
Bathouse, bars, dance clubs aming pinasukan. Malate ginawa naming tambyan. Isang gabi, kami ay nagpamasahe (link) at tumuloy sa aming kaibigan na si Phoebe. Tawanan, inuman hanggang magdamagan. Feeling mayaman na dati’y sa panaginip lang.
Di mapapantayan ang saya kapag si John ang nasa tabi. Palagi syang may baon na nakakawili. Gano man kahirap ang kinakaharap, gagaan at liliwanag kapag sya ang nakakausap.
Nang ako’y pabalik sa Dubai na aking pinagtratrabahuan, lungkot na naman ang aking naramdaman. Panay ang tanong sa sarili kung ito ba ang kailangan, ang bansang sinilangan ay di talaga mapantayan. “Maswerte ka!” ang sabi ng kaibigan kong si John. “Marami ang gustong mag-abroad, pero di napagbibigyan.” “Sa muling pagkikita!” ang iyak ko sa kanya. Di na nahiya ang tunay na naramdaman, dahil emosyon ko di na napigilan.
Dumaan ang mga araw at mga buwan, wala ng balita sa kaniyang pangingibang bayan. Ayaw na daw nya dahil di nya kaya, mas gugustuhin daw nya kasama ang pamilya.
Setyembre 2009, apat na buwan mula nung kami nagkita. May sinabi sya sa akin na lubos kong kinabahala. Messages online sa facebook una nyang binalita, agad ko namang tinawagan para ako’y maliwanagan. HIV infected daw sya kaya di sya pumasa, sa trabaho abroad wala ng pag-asa.
Natakot ako sa kanyang sinabi, dahil hindi man lang nya nabanggit noong kami ay magkatabi. Ang mahirap nagkasabay kami, sa mga lugar ng paraosan sa bandang Malate.
Ngayon, ako’y nalilito. Kung kukuha ng test sa Pilipinas bago ako mabuko dito. Pero ano ang magagawa ko kung magpositibo, di ko alam… Dyos ko, tulungan ako.
Sa ngayon, patuloy ang buhay. Kung ano man ang ibibigay ay tanggapin ng buong husay. Ang mahalaga, naging mabuting umaalalay. Sa kabutihan at katahimikan, pilit di sumasablay.
Sa kaibigan kong si John, walang iwanan. Sama-sama tayo at magtutulungan. Ano mang unos ang ating madatnan, kaya natin to sa tulong ng pamilya at sa Dios na lay lalang...
Kita-kita tayo sa FINALS!
2 comments:
Hello,
Saw this entry. Ako rin ay HIV+ from Dubai. Ngayon nandito na ako sa Pinas. try mong ibigay tong email na to sa friend mo so that we can talk at para di sya maging malungkot sa kanyang kalagayan...blogpics79@yahoo.com
Patay na po silang lahat dahil sa HIV na naging AIDS na po. Mag-ingat po sa pakikipagtalik. Practice safe sex or mas maganda stick to one lang po. Rest in peace po sa kanilang lahat.
Post a Comment